Paano nga ba Gumawa ng Isang Kasaysayang Buhay?

Mabuhay!  Paano nga ba mabuhay? Yan ay ang madalas maisip ng sinoman. Bakit nga ba tayo nabuhay? At may hindi maipaliwanag na pakiramdam kapag iisipin mo kung bakit ka nga ba kailangang mabuhay? May misyon nga ba akong kailangan gawin? Yung para bang isang superhero na may kailangan gawin sa buhay. Sa tinagal-tagal wala pa naman akong nadidiskubre na kapangyarihan na tulad ng pagiging inbisibol, sobrang lakas na gaya ni Superman, sobrang bilis, pagbalik sa nakaraan at pagpunta sa hinaharap na parang may time machine. Yan ay kaunti lamang sa aking mga tanong sa buhay. Napakadami pa kung iisaisahin natin lahat.

Ito nga pala ay isang talambuhay. Aking talambuhay. Ako ay gaya lang din naman ng ibang nilalang. Mayroong matang Pinoy, dalawang tainga, isang ilong na hindi naman katangusan at hindi din naman ganun kapango, may labing medyo maitim ang gilid ngunit hindi ako naninigarilyo, namana ko lamang ito sa aking ina.

Nais kong gumawa ng kakaibang talambuhay, yung tipong wala pang nakakagawang iba, yung talagang ako lang. Kaya naisip kong magmatyag sa aking paligid at nagisip ng bagay na maaari kong makumpara sa aking buhay. Nang bigla kong maisip ang isang ibon. Hindi yung Angry Birds, na ibinabato sa mga baboy. Isang maliit at inosenteng maya ang aking naisip. At biglang sumunod na ang aking mga ideya para sa gagawin kong talambuhay. Naisipan kong gawing isang kwento na ako at ang aking pamilya din ang gaganap. Ito ay ang kwento ng mga ibon at ang kanilang paglipad sa buhay.

Sa aking isipan, paano nga ba gumawa ng isang talambuhay? Saan nga ba magsisimula? Nang bigla kong maisip ang simula at dahilan kung bakit ako nabuhay. Ang aking mga mahal na magulang. Dahil sa ibon ang tema ng aking talambuhay, papangalanan ko ang aking mga magulang na Pipot at Pipit. Si Pipot bilang aking ama na si Carlo Mateo Benitez, at Pipit naman na aking ina na si Imelda Dapalla Benitez. Nagmula sila sa malayong lugar sa norte, sa Ilocos Sur. Sariwang hangin, malawak na karagatan, makikinang na buhangin, malalawak na bukirin, simpleng pamumuhay. Sa ganyang lugar lumaki sila Pipot at Pipit. Matagal nagsama ang dalawa, inabot sila ng sampung taon bilang magkasintahan. Mula sa pagiging magka-baryo ay naging ganap na mag-asawa na noong ika-4 ng Abril 1994. Nagsimula na silang mag-ipon para sa pagdating ng isang sisiw. Isang lalakeng sisiw na papangalanan nilang Popoy. At ako ang gaganap na Popoy sa kwentong ito, ako po ay si Ian Carlo D. Benitez.

Matagal nagsama sina Pipot at Pipit. May mga pagkakataong hindi sila nagkakaintindihan, at may mga panahong din namang masaya gaya ng ibang normal na magasawang ibon. Di nagtagal ay nagisang tuka na ang dalawa at nagbunga pa ang kanilang pagmamahalan, si Popoy. Pinalaki at inarugang mabuti ni Pipot at Pipit ang kanilang anak sa kanilang pugad sa Canlubang lungsod ng Calamba. Ilang taon pa ang nakalipas ay nalagay sa alanganin ang buhay ni Popoy dahil sa lubhang karamdaman na dinagdagan pa ng mahinang baga. Lumaking umiinom ng pila ng gamot si Popoy, kada-inom naman ay susundan niya ito ng iyak dahil sa sama ng lasa ng mga gamot. Sa kabutihang palad ay gumaling din naman agad si Popoy, at nagsilang pa ulit ng panibagong sisiw ang magasawa ang unang kapatid ni Popoy.

Dahil sa pangangailangan ay nagdesisyon si Pipot na lumisan patungo sa ibang bansa upang maghanap-buhay. Di hamak na mas malaki ang kita para sa nadagdagang pamilya. Mahirap ang buhay na wala ang haligi ng tahanan. Sa murang edad pa lang ay naramdaman na ni Popoy ang pagiging panganay at responsibilidad bilang nakakatatandang lalake sa pamilya. Lumaking walang ama si Popoy. Pitong taong nagtrabaho si Pipot sa malayong lugar upang kita ng dolyar na ipapalit sa piso. Hindi naging madali ang mga pagkakataong ganoon para sa kanya. Bibihirang makumpleto ang kanilang pamilya buti na lamang ay nagpupunta sila sa pugad ng kanilang ibang kamag-anak tuwing pasko kaya masaya pa rin.

Pumasok na sa paaralan si Popoy. Isang panibagong hamon na naman. Dahil dito ay hindi lamang siya tuturuang lumipad. Tuturuan din silang bumasa, sumulat at mag-analisa ng mga problema. Naging isang magaling na mag-aaral si Popoy. Nagkakamit siya ng medalya sa bawat taon niya ng pag-aaral.

Bago pa man matapos ang elementarya ay nakakilala si Popoy ng isang magandang ibon. Matalino at kahalihalina ang binibini. Sa murang edad ay tila napaibig na si Popoy. Bago sumapit ang kanilang pagtatapos ay pinilit niyang mabigyan ng regalo ang binibini.

Isa sa mga magagandang nangyari sa kanyang buhay ay ang mga kwentong pag-ibig. Na sa una’y pero tamis at naging mapait din kinalaunan. Madaming naging babae sa buhay si Popoy pagkatapos ng kanyang unang pag-ibig. Mula sa iba’t ibang lugar, at sa halos lahat nga ata ng lugar ay mayroon siyang nakakapagpalagayang loob at di naglalaon ay napapamahal sa kanya, ngunit hindi pa handa si Popoy sa isang tunay na relasyon. Kaya umaalis na lang siyang bigla. Isa ito sa mga masasamang mga parte ni Popoy sa kanyang katauhan. May mga niligawan din siyang nagtagal ngunit nagsawa, may ilan namang ilang araw lang, mayroon ding pag may okasyon lang, mayroon ding pagkakataon na tuwing bakasyon lang, may mga pagkakataon ding siya mismo ang iniiwan. Hanggang ngayon ay wala pa din siyang matawag na prinsesa, tila ba lahat ay may kulang. Hindi gaya ng kanyang unang pagibig na tila isang perpektong relasyon. Ngunit napigil ng panahon at murang edad. Sana nga ay maging makulay na ang buhay pag-ibig ni Popoy. Ngunit paano nga kaya kung ito ang nagsilbing karma sa kanyang mga pinaggagawa. Unang pagibig, sana’y bumalik ka na.

Ilang taon pa ay pumasok na sa sekondaryang paaralan si Popoy. Panibagong mga mukha, panibagong mga ideolohiya. Naging masaya naman ang kanyang apat na taon sa sekondarya. Wala pa ring palya ang pagkakamit ni Popoy ng mga medalya. Siya ay nagiging representante sa iba’t ibang patimpalak at tagisan ng talino. At hindi din naman mawawala ang mga kalokohan, may mga pagkakataong sinusuway niya ang kaniyang mga guro. At madalas pang tumakas sa klase.

Kahit na kabilang si Popoy sa mga makukulit at malolokong mga estudyante ay hindi naman niya napapabayaan ang pang-akademikong mga bagay. Medyo hirap nga lang siya pag dating sa magagandang asal. At naging presidente din si Popoy ng lahat ng estudyante sa paaralan. Naging isang malaking hamon ito sa huling taon niya sa sekondarya.Dahil kinakailangan niya ng malaking pagbabago lalo sa paguugali upang mging isang modelong estudyante. Naging hamon din sa kanya ang mga gurong simula’t sa simula pa lang ay galit na galit na sa kanya. Mainit ang dugo ng karamihan kay Popoy. Kahit na hindi pa naman nila ganap na kakilala ang binata. Puro mga panghuhusga.

Sa halip na malungkot ay lalo pang pinagbuti ni Popoy ang pagaaral at pagpapatakbo bilang isang presidente ng pinakamataas na organisasyon ng mga estudyante. Nakakatuwa dahil nagampanan naman ni Popoy ang lahat ng kanyang mga gawain. At nagtapos pang may karangalan sa kabila ng mga pambabatikos at pagtira.

Isa din sa mga magagandang pangyayari sa buhay ni Popoy ay ang pagpasok sa prestihiyosong Unibersidad ng Pilipinas – Los Baños. Na inilalarawan ni Popoy bilang isang lugar na puno ng giyera at labanan. Ngunit ang paglalarawan na ganun ay nagiba din naman kinalaunan. Natuto siyang magsaya sa kabila ng matrabahong mga gawain.

Patuloy pa rin ang paglipad ni Popoy. Hanggang sa tuluyan na siyang maging isang ganap na agila. Isang abogadong agila. Walang inuurungan. Walang inaayawan. Sana’y matupad ang lahat ng kanyang kahilingan para sa hinaharap.

     

    • jessa cathelene yabes
    • June 16th, 2013

    paano ba gumawa ng kasaysayan ng isang tao

    • Una, dapat ay siguraduhin muna na may saysay ang iyong mga ginagawa. Hindi lamang kronolohikal na pangyayari. Pangalawa, maging tapat lang sa sarili.

  1. Cute Story :D

    • malabon
    • September 30th, 2013

    Sana maging kasinglawak ng utak mo yung utak ko iDOL ! :)
    Kung sino-man gumawa nito .

  1. No trackbacks yet.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 1,337 other followers

%d bloggers like this: